Ponemang suprasegmental, at ang pag-aaral ng wikang Filipino

Joey Valinton
4 min readAug 19, 2020

--

Sa pagkatuto ko ng ikatlong wika, natulkasan ko ang kakaibang timpla ng ating wika na naiiba sa lahat.

Ang litratong ito ay kinuha mula sa link na ito: http://siningngfilipino.blogspot.com/2012/09/mga-ponemang-suprasegmental.html?m=1

Noong nasa unang taon ako ng hayskul, binigyan kami ng takdang-aralin ng aming guro ukol sa kahulugan at paggamit ng ponemang suprasegmental. Nakakatawa ang pangalan sapagkat tunog murâ ang unang salita, at pag binuo’y waring mahika na binabanggit sa Hiraya Manawari. Hindi ko masyado nagustuhan ang Filipino noong hayskul dahil wala na ang nakasanayang pag-aaral ng balarila (grammar). Samakatuwid, puro basa at pag-aaral na lamang ng texto (textual analysis) ang aming inaaral. Noong tinuturo sa amin ang aralin na ito, hindi ako masyadong nakikinig, dahil parang ang kailangan ko lamang gawin ay maunawaan ang aking binabasa (eh puro basa naman ang ginagawa namin). Hindi ko nga maalala ang kahulugan ng ponemang suprasegmental dahil sa kawalan ko ng interes; ngunit sa tuwing mababanggit ang Filipino subject sa usapan, nasasagip sa aking isipan ang katagang ito.

Sa totoo lang, mayroon kaming relasyong away-bati ng Filipino subject. Kapag nabasa ito ng aking paboritong Filipino teacher sa hayskul, baka ipatawag nya muli ang magulang ko dahil kung anu-ano ang nasasabi ko sa blog na ito. Ayaw na ayaw kong magsulat ng summary ng bawat kapitulo ng Florante at Laura. Ayaw ko ring sagutin ang assignment sa binibili naming pamphlet. Wala rin naman akong magawa kung hindi ako makapunta sa groupwork namin tuwing gabi para gumawa ng rap ukol sa nabasa naming texto. Inaasahan sa amin sa mga nag-aaral sa Science High School na marunong kami sa lahat ng bagay, at sabay-sabaw ang lahat ng mga groupwork at takdang aralin sa isang araw.

Gayunpaman, ang lubos kong kinasisiyahan sa pag-aaral ng Filipino ng panahon na iyon ang pag-alam kung ano ang teorya at istayl ang ginamit ng manunulat sa textong binasa. Mula sa libro ni Genoveva Edroza-Matute at ni Bob Ong, hanggang sa mga maiikling kuwentong 'Isangdaang Sapatos' at 'Walong Taong Gulang’, pati na rin ang pagtitiyagang basahin ang nobelang 'Ibong Mandaragit,’ lahat ng pakikipagsapalaran upang malaman kung paano ito nasulat ay lubos kong kinagagalak. Kinasanayan ko na rin bumisita sa Filipiniana section ng bookstore pag mayroong pagkakataon (ngunit ang nabibili ko naman ay nasa Inspirational section). Kahit na sinasabi ko na hindi ko talaga gusto ang Filipino, masarap pa rin itong basahin at gamitin para maipakita sa iba ang tinatalastas ng ating isipan.

Pagtungtong ko ng kolehiyo, doon ko nagustuhan ang Filipino ng lubusan kahit na ang aking disiplina ay nasa kimika. Nakuha naming mag-dub ng anime at magsulat ng balbal na sanaysay na kinatutuwa ko. Naiuugnay nila ang wikang Filipino sa kasaysayan, sa kultura, at sa ating pagka-Filipino. At pagdating sa kasalukuyan, sa pag-aaral ko ng ibang wika ay nalagtanto ko bawat araw kung ano nga ba ang kahulugan ng isang Filipino at anong wika ang tinataglay ko.

Sa pag-aaral ko sa Taiwan ay mayroon akong kasama sa lab na tumutulong sa akin para mag-sanay sa wikang Tsino. Ang hirap ng wikang ito pagkat bawat salita ay mayroong tonong kailangang tandaan. Sa aming pagsasanay, nabanggit ko sa kanya kung paano ba nabubuo ang salita sa Filipino. Sinabi ko na minsan kailangan mong hatiin ang banggit sa mga salita pagkat naiiba ang kahulugan pag sinabi ito ng hindi nahahati. Ang binigay kong halimbawa ay 'supot.’ (Wala namang nangyaring masama noong tinuturo ko ito.) Pagkatapos ng tatlong taon na nabanggit ko ito sa kanya, sa kaarawan ni Manuel Luis Quezon, sa pagkaalala ko ng ponemang suprasegmental, napagtanto ko na ang isa sa mga natatanging katangian ng wikang Filipino ay iyon…

Datapuwa’t ako’y magpasalamat sa mga guro ko sa Filipino. Kayo’y naghulma sa akin upang maging ganito, isang taong nagagalak sa mga taong nagsusulat at gumagamit ng wikang Filipino upang maipahatid ang nilalaman ng kanilang puso’t isipan sa mga nakakaintindi nito. Nawa’y mapanatili natin ang ating wika at maging susi ito sa pag-unlad ng ating bansa. Sa ngayon na nakakapagsalita na ako sa tatlong wika (yung isa ay… di ko alam kung mapapayabong ko pa), ang naging aral sa akin na ang wika ay kinakailangan upang nagkaunawaan at magkaisa sa iisang hangarin. Iyon ay ang mapabuti ang buhay ng nakararami.

Salamat sa pagbasa! Pagpasensyahan nyo na at biglaan ang paglimbag nitong akdang ito. Hinahabol ko kasi ang kaarawan ni M.L. Quezon kaso sa pagsusulat nito ay lumipas na ito. Ngunit hindi pa naman natatapos ang buwan ng wika. Kung mayroon kayong nais ipahayag, ako’y lubos na masisiyahan na malaman ang iyong palagay. Nawa’y magtuloy-tuloy pa ito. Hanggang sa muli!

Sign up to discover human stories that deepen your understanding of the world.

Free

Distraction-free reading. No ads.

Organize your knowledge with lists and highlights.

Tell your story. Find your audience.

Membership

Read member-only stories

Support writers you read most

Earn money for your writing

Listen to audio narrations

Read offline with the Medium app

--

--

Joey Valinton
Joey Valinton

Written by Joey Valinton

Scribbles of a struggling Chemistry PhD Graduate. Made in the Philippines.

No responses yet

What are your thoughts?